4 na puganteng Chinese at 2 Taiwanese na kasama sa ni-raid na POGO sa Las Piñas, inaresto ng ACG

Inaresto ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang apat na Chinese at dalawa Taiwanese na wanted sa kani-kanilang bansa, matapos na matuklasang kasama sila sa mga dayuhang empleyado ng ni-raid na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Las Piñas.

Ayon kay ACG Director Police Brig. Gen. Sydney Sultan Hernia, natagpuan nila ang anim na pugante mula sa halos 3,000 indibidwal na naligtas mula sa POGO sa tulong ng mga dayuhang embahada na umasiste sa ACG sa dokumentasyon ng kanilang mga mamamayan.

Sinabi ni Hernia na mahigit isang libong Pilipinong naligtas sa operasyon ay pinayagan nang umuwi habang ang mga dayuhan ay iti-turn over sa Bureau of Immigration kapag nakumpleto ang pagkuha ng kanilang personal na impormasyon.


Bukod dito, limang Chinese ang na-inquest na sa Department of Justice dahil sa paglabag sa Republic Act 11862 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022, kaugnay ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.

Dagdag pa ni Hernia na magpapatuloy ang imbestigasyon upang matuklasan ang buong lawak ng trafficking operation.

Facebook Comments