Naaktuhang umiinom ng alak ang apat na pulis-Las Piñas habang naka-duty, Biyernes ng madaling araw, ng mga rumorondang tauhan ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS).
Nakita sa lugar na kanilang pinagtatagayan ang isang paubos na long neck, isang alak na sarado pa, kanin, at sabaw na ginawang pulutan.
Kinilala ang mga nabistong kasapi ng awtoridad na sila Patrolman Samuel Inoc, Police Corporal Alquin Orgen, Police Corporal Randy Danao at Police Corporal Robemar Abales. Sila ay kasalukuyang naka-destino sa Las Piñas Police Station 6.
Ayon kay Police Brigadier General Gerry Galvan, hepe ng IAS sa National Capital Region, nagsasagawa sila ng spot inspection nang mahuling naglalasing ang apat habang nasa checkpoint sa kahabaan ng Zapote Road.
Dinisarmahan na ang mga naarestong pulis at sasampahan ng kasong administratibo.