Manila, Philippines – Binasahan na ng reklamo sa Department of Justice o DOJ ang apat na pulis ng Maynila na naaresto sa entrapment operation matapos ang sinasabing pangongotong ng 200,000 pesos sa drug suspect sa Baseco, Tondo, Maynila.
Ang apat na pulis ay nahaharap sa mga reklamong kidnap for ransom at paglabag sa anti-torture law.
Kinilala ang mga naarestong pulis na sina Police Corporals Nickson Mina, Juan Carlo Guzman, Francis Mikko Gagarin at Patrolman Tom Hikilan.
Binigyan naman sila ng sampung araw ni Assistant State Prosecutor Susan Villanueva para maghain ng kanilang kontra-salaysay.
Dumalo rin sa inquest proceedings ang kaanak ng naarestong drug suspect na nagbunyag sa aniya’y pag-torture ng mga pulis sa kanilang kaanak.
Ang apat na kinasuhang pulis ay naaresto sa entrapment operation sa loob mismo ng police station sa Baseco matapos nilang tanggapin ang marked money mula sa pamilya ng drug suspect.