4 na pulis na dawit sa indiscriminate firing, pinaiimbestigahan at pinasisimulan na ang dismissal proceedings

Iniutos ni Philippine National Police (PNP) Acting Chief Police Lt. General Jose Melencio Nartatez Jr. ang masusing imbestigasyon sa pagkakasangkot ng apat na pulis sa kaso ng indiscriminate firing nitong holiday season.

Batay sa tala ng PNP, ang mga sangkot na pulis ay isang police master sergeant mula sa Surigao del Sur, isang police senior master sergeant mula sa Iloilo, at dalawang patrolman mula sa Parañaque City at Cagayan de Oro City.

Ayon kay Nartatez, hindi katanggap-tanggap ang pagkakasangkot ng mga nasabing pulis sa kasong indiscriminate firing, dahil dito ay may kaakibat na mabigat na parusa ang mga nasabing sangkot dahil sa pag-aabuso nito sa kanilang awtoridad.

Binigyang-diin ni Nartatez na kung matapos ang imbestigasyon sa nasabing mga insidente at napatunayang nagkasala ang mga ito ay sisiguraduhin nyang matatanggal ito sa serbisyo.

Kaugnay nito ay inatasan na rin ni Nartatez ang mga Regional Director ng Caraga, Western Visayas, at National Capital Regional Police Office (NCRPO) na tanggalan ng armas ang tatlong pulis at ikulong matapos silang maaresto.

Samantala, nagpapatuloy naman ang follow-up operation laban sa natitirang patrolman mula sa Cagayan de Oro City na nananatiling “at large” o pinaghahanap pa rin sa ngayon.

Facebook Comments