Stable na ang kondisyon ng 4 na mga pulis na nasugatan matapos mauwi sa engkwentro ang pagsisilbi sana nila ng warrant of arrest sa Ampoan Criminal Group sa Brgy. Mahayag, Sta. Margarita, Samar kahapon ng umaga.
Ayon kay Philippine National Police – Public Information Officer (PNP-PIO) Chief PCol. Jean Fajardo, naabutan na rin ang 4 na mga pulis ng financial assistance.
Maging ang 3 pulis na nasawi ay naihatid na sa kanilang mga kamag-anak at nabigyan na rin ng tulong-pinansyal ang mga ito.
Samantala, 7 mga suspek na nasa likod ng pananambang ang naaresto na ng mga otoridad.
Pero sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang hot pursuit operations sa mga miyembro ng Ampoan Criminal Group na subject ng warrant of arrest na sina Edito Ampoan, Jojo Altarejos at Rogelio Macurol.
Paliwanag ni Fajardo, posibleng natunugan ng mga suspek ang operasyon ng mga pulis dahilan para matambangan ang mga ito.
Dagdag pa nito, malaking grupo ang Ampoan dahil sangkot ito sa gun for hire activities at patayan sa lugar.
Maliban dito ay may 2 iba pang criminal groups ang sumapi sa kanilang grupo.
Sa ngayon, naglatag na ng maraming checkpoints sa upang matiyak na hindi makakatakas ang mga suspek.