4 na pulis, pinasisibak sa serbisyo dahil sa pangingikil

Inirekomenda ng Internal Affairs Service ng Philippine National Police (PNP-IAS) ang agarang pagsibak sa apat na pulis na napatunayang guilty sa Grave Misconduct at Conduct Unbecoming of a Police Officer matapos umano silang mangikil ng P300,000 mula sa isang engineer sa Cotabato City.

Kasama sa rekomendasyon ng PNP-IAS ang pagbawi ng retirement benefits ng mga pulis, kanselasyon ng kanilang civil service eligibility, at habambuhay na pagbabawal na makapagtrabaho sa alinmang ahensya ng pamahalaan.

Ayon sa imbestigasyon, pinara ng mga pulis ang sasakyan ng biktima noong March 25, 2024 at sinabing “kahina-hinala” umano ang plaka nito. Ngunit wala naman silang naipakitang anumang dokumento tulad ng LTO verification, Traffic Violation Receipt, Technical Inspection and Inventory Receipt o impounding receipt.

Sa halip, humingi ang mga suspek ng ₱300,000 kapalit ng hindi pagsasampa ng kaso.

Dahil dito, nagpasaklolo ang biktima sa PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group-Mindanao Field Unit.

Noong April 12, 2024, isinagawa ang entrapment operation kung saan nahuli ang isa sa mga pulis na tumatanggap ng P20,000 bilang bayad para i-release ang sasakyan ng biktima.

Mariin namang kinondena ni PNP IAS Inspector General Atty. Brigido Dulay ang insidente, at tinawag itong lantad na pagtraydor sa tiwala ng publiko.

Facebook Comments