*Cauayan City, Isabela*- Nangangamba na matanggal sa serbisyo ang apat na pulis kung mapatunayan na sila’y nagkasala matapos di umano’y sangkot sa “Hulidap” sa Bayan ng Gattaran, Cagayan.
Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula kay P/Capt. Sharon Malillin, tagapagsalita ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO), pansamantalang hindi muna pinangalanan ang apat na pulis na kinabibilangan ng dalawang sergeant at dalawang corporal na nakabase sa PNP Gattaran ng nasabing lalawigan.
Dagdag pa nito, sakaling mapatunayan ay mahaharap ang mga ito sa kasong Robbery, Administrative case at grave misconduct na nasa kustodiya ngayon ng Cagayan PPO at nakatakdang ipapatawag din ni P/BGen.Angelito Casimiro, Regional Director ng PR02.
Matatandaang nagsagawa ng entrapment operation ang mga pulis laban sa isang kapitan ng barangay ng nasabing bayan dahil sa pag-iingat umano ng hindi lisensiyadong baril at matapos ito ay hindi idineklara ng mga pulis ang mga kinumpiska nila sa kapitan gaya ng motorsiklo, sapatos maging ang pera.
Kaugnay nito, inatasan ang PNP Gattaran at CPPO sa pagsasagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa nasabing insidente na kinasasangkutan ng apat nilang kasamahan.