4 na rebelde, patay matapos makaengkwentro ng militar sa Northern Samar

Patay ang apat na miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) matapos ang magkakasunod na engkuwentro laban sa mga tropa ng pamahalaan sa Barangay Nagoocan, Catubig, Northern Samar.

Ayon sa ulat ng 8th Infantry Division at Joint Task Force Storm ng Philippine Army, tinatayang nasa 30 rebelde ang nakasagupa ng mga sundalo sa nasabing lugar.

Nag-ugat ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga residente ukol sa presensya ng mga armadong rebelde na umano’y nangingikil sa komunidad.

Habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga nasawing rebelde, nakarekober ang militar ng hindi bababa sa pitong matataas na kalibreng armas mula sa pinangyarihan ng insidente.

Kamakalawa lamang, nadiskubre ng mga operatiba ng 20th Infantry Battalion ng PA ang isang taguan ng mga armas at pampasabog sa Barangay Roxas sa kapareho ring bayan.

Tiniyak naman ni Maj. Gen. Adonis Orio, Commander ng 8th Infantry Division, na tuloy-tuloy ang kanilang kampanya para tiyakin ang seguridad at kapayapaan sa rehiyon.

Facebook Comments