Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na bigo pa ring makapagsumite ng specimen para sa genome sequencing ang apat na rehiyon sa bansa.
Tinukoy ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang Region 5, 8, 9 at ang BARMM.
Sinabi ni Vergeire na bukod sa problema sa transportasyon, kulang din aniya ang mga laboratoryo sa mga nabanggit na rehiyon kaya hirap ang mga ito n makakuha ng specimen.
Samantala, inilatag na ng Department of Tourism (DOT) ang control at safety measures kaugnay ng inaasahang pagdagsa ng mga tao sa tourist destinations sa nalalapit na Semana Santa at summer.
Sa press conference ng DOH, sinabi ni Tourism Undersecretary Benito Bengzon Jr. na kabilang sa ipinagbabawal sa publiko sa tourist spots ang pagdadala ng mga hayop, pagdudura, pagsigaw at pagsasalita habang kumakain.
Mahigpit din ang paalala ng DOT sa tamang pagsusuot ng face mask, face shield at pagpapanatili ng physical distancing kulob man o hindi ang lugar.
Sa mga may-ari naman ng tourist destinations, ino-obliga sila ng Tourism Department na maglagay ng sabon, malinis na tubig, tissue paper, regular na disinfection at pagpapanatili ng kalinisan sa mga palikuran.