Pinagana na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang apat nilang response clusters upang tugunan ang lumalawak na oil spill sa Oriental Mindoro.
Ayon kay NDRRMC Executive Director at Civil Defense Administrator, Undersecretary Ariel Nepomuceno kabilang sa mga cluster na ito ay ang logistic cluster na pinangangasiwaan ng Office of Civil Defense, food and nonfood cluster na pinangungunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), health cluster na pinangangasiwaan ng Department of Health (DOH) at search, rescue at retrieval cluster na pinamumunuan ng Armed Forces of the Philippines.
Sinabi pa ni Nepomuceno na maliban sa mga nabanggit na cluster ay mayroon pang ibang cluster na naka-standby.
March 3, 2023 nang simulan ng regional task force ang oil spill cleanup operations dahil tuloy-tuloy ang pagkalat ng langis sa mga kalapit na lalawigan.
Sa pinakahuling datos ng NDRRMC, sumampa na sa 31,497 mga pamilya sa MIMAROPA at Western Visayas ang naapektuhan ng malawakang oil spill sa Oriental Mindoro.
Samantala, umaabot na sa P23.9-M ang halaga ng tulong ang naipaaabot na ng Office of Civil Defense, DSWD, local government units, DOH at ibang non-government organizations sa mga apektado ng naturang oil spill.
Matatandaang Feb. 28, 2023 ng lumubog ang MT Princess Empress sa bahagi ng oriental Mindoro kung saan may karga itong 800,000 liters ng industrial fuel.