Inihayag ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) na mga otorisadong ospital at doktor lamang na mayroong Compassionate Special Permit ang maaaring mag-distribute ng Remdisiver, isa sa mga ginagamit na gamot laban sa COVID-19.
Ang pahayag ay ginawa ng NBI kasunod na rin ng pagkakaaresto ng NBI Special Task Force sa apat na personalidad na sangkot sa ilegal na pagbebenta ng Remdisivir sa Metro Manila.
Ayon kay NBI Spokesperson Ferdinand Lavin, patong-patong na kasong paglabag sa Republic Act 9711 o Food Administration Act at RA 5921 o Philippine Pharmacy Act ang kinakaharap ng mga suspek na kinilalang sina Maria Christina Manaig, Christopher Boydon, Philip Bales at Bernard Tommy Bunyi, isang pharmacist.
Paliwanag ni Lavin, ang apat ay naaresto sa ikinasang entrapment operation sa Timog Avenue kung saan nasamsam ang ilang kahon na naglalaman ng Remdisivir na nagkakahalaga ng mahigit dalawang milyong piso.
Napag-alaman sa isinagawang imbestigasyon ng NBI na ibinebenta sa social media sa halagang ₱4,500 hanggang ₱5,000 ang mga gamot.
Dagdag pa ni Lavin, isang medical representative ng malaking pharmaceutical company ang pinaghahanap ngayon ng NBI dahil itinuturo itong kasabwat sa paglalabas ng nabanggit na gamot.
Nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon at inaalam ngayon ng NBI-Special Task Force kung may koneksyon ang mga naaresto sa mga taong responsable sa pagnanakaw ng ₱6-milyong halaga ng Remdisivir sa isang malaking ospital sa lungsod ng Maynila.