4 na suspek kabilang ang isang Amerikano na nag-o-operate ng cybersex den sa Pampanga, arestado

Nahuli ng mga tauhan ng Philippine National Police Anti-Cyber Crime Group (PNP-ACG) ang apat na suspek na nasa likod ng isang cybersex den na nag-o-operate sa Pampanga habang nailigtas ang dalawang teenager na biktima ng grupo.

Sa ulat ni PNP-ACG Director Police Brigadier General Robert Rodriguez kay PNP Chief General Debold Sinas, kabilang sa apat na naaresto ang isang American national na si Easton Scot Sanderson, 34 anyos at recruiter na si Jann Arielle Mondejar, 23 anyos ng Brgy. Malitlit, Sta. Rosa City, Laguna.

Nahuli rin ang dalawang nagsisilbing videographer na sina Reneilyn Robles, 22 anyos ng Lawang Bato, Valenzuela City at Shirley Martinez, 22 anyos ng Brgy. Sta. Rita, Calbayog City, Samar.


Nahuli sila matapos salakayin ng mga tauhan ng PNP-ACG ang sex den na nasa Unit JO3 Kandi Tower, Flora St., Brgy. Malabanias, Angeles City.

Batay sa imbestigasyon, ang dalawang biktimang teenager ay ni-recruit ni Mondejar para sa isang modeling at photo shoot.

Pero nang dinala sila kay Sanderson ay pinilit ang mga itong makipagtalik sa kaniya habang kinukuhanan ng video nina Robles at Martinez para sa uploading sa iba’t ibang pornographic sites.

Ang mga naarestong suspek ay nahaharap na sa kasong paglabag sa Anti-Human Trafficking Act at Cybercrime Prevention Act of 2012.

Facebook Comments