4 na suspek sa BDO hacking, kinasuhan na ng DOJ at NBI

Kinumpirma ng Deparment of Justice (DOJ) na kinasuhan na ng National Bureau of Investigation (NBI) sa korte ang tatlong Pilipino at isang dayuhan na nasa likod ng pagkawala ng milyong pisong halaga mula sa iba’t ibang bank accounts sa Banco de Oro o BDO.

Partikular ang grupong Mark Nagoyo heist na kinasuhan sa Regional Trial Court sa Guagua, Pampanga.

Kabilang dito si Jherom Anthony Taupa na umaming gumawa ng website na nangongopya ng webpage ng GCash na ginagamit sa pagkolekta ng personal na impormasyon ng mga biktima.


Kasama rin sa mga kinasuhan si Ronelyn Panaligan alyas Luka Hanabi na nasa likod ng pekeng online survey para makakuha ng kopya ng ID at impormasyon na ginamit sa paggawa ng pekeng GCash at PayMaya accounts.

Si Clay Revillosa alyas X-men naman na isang estudyante ay umamin na nagbebenta ng listahan ng email address na nagtataglay ng impormasyon sa online banking accounts ng mga biktima.

Kasama rin sa mga kinasuhan ang Nigerian National na si Ifesenachi Fountain Anaekwe alyas Daddy Champ na nagbebenta ng accounts na pinasukan ng mga perang ninakaw mula sa online bank accounts.

Samantala, ipinag-utos naman ang pagpapalaya sa isa pang dayuhan na si Chukwuemeka Peter Nwadi matapos mabigong makakuha ng sapat na ebidensiya laban sa kanya.

Gayunman, maghahain ang DOJ prosecutors ng Motion for Issuance of Precautionary Hold Departure Order laban sa naturang dayuhan para mapigilan ang posibleng paglabas nito ng bansa.

Facebook Comments