Iprinisinta sa media ng National Bureau of Investigation (NBI) – Special Task Force ang apat katao kabilang ang isang 17-anyos na sangkot sa pagproseso at pagbebenta ng mga pekeng public documents tulad ng NBI Clearance.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, ang apat ay nahuli sa ikinasang operasyon ng NBI nang malaman na may nag- iisyu ng pekeng NBI Clearance sa Quiapo, Maynila.
Nabahala si Santiago nang madiskubreng pati ang kanyang pirma ay pineke na rin.
Aniya, aabutin lamang ng P150.00 ang halaga ng regular NBI clearance pero pag kumuha sa nasabing mga suspek ay may halagang mula P500 hanggang P1,500 na wala pang ilang minuto ay makukuha na rito.
Bukod sa NBI clearance, pinepeke ng mga suspek ang driver’s license, titulo ng lupa, police clearance, medical certificate at iba pa.
Ipatatawag ng NBI ang barangay kapitan sa nabanggit na lugar para malaman kung bakit talamak ang pamemeke ng dokumento sa kanilang lugar at upang makahanap ng solusyon sa problema.