4 na Tokyo Olympic medalists, ginawaran ng Senate Medal of Excellence

Ginawaran ngayon ng Senate Medal of Excellence at binigyan din ng cash incentives ang apat na atletang nakakuha ng medalya sa katatapos na Tokyo Olympics.

Personal na nagtungo sa Senado para tanggapin ang pagkilala at award mula sa mga senador sina Eumir Marcial, Carlo Paalam, Nesty Peticio at Hydilyn Diaz.

Bukod sa Senate Medal of Excellence ay pinagkalooban din ng Senado si Diaz ng ₱1-milyon dahil sa pagkamit ng gintong medalya sa weightlifting category.


Dahil sa pagsungkit sa silver medal sa boxing ay tig ₱500,000 naman ang binigay kina Nesty Petecio at Carlo Paalam.

₱400,000 naman ang tinanggap ni Eumir Marcial na nakakuha ng bronze medal sa boxing din.

Ang Senate Medal of Excellence ay bagong likhang award ng Senado na ipagkakaloob lamang sa mga grupo o indibidwal na nagbigay ng karangalan sa bansa.

Nag-ambagan naman ng tig-₱100,000 ang mga senador na siyang pinagkuhanan ng cash incentives na ibinigay sa nabanggit na mga natatanging atleta.

Kasama ring kinilala ng Senado ang iba pang atletang Filipino na lumaban sa Tokyo Olympics gayundin si Cavite Congressman Abraham Bambol Tolentino na presidente ng Philippine Olympic Committee.

Facebook Comments