Cauayan City, Isabela- Sinagot ni Police Provincial Director PCol. Davy Vicente Limmong ng Kalinga ang ginawang pagdeklara sa kanya na Persona-non-Grata ng tribung Butbut dahil umano sa iligal na pagtanggal sa mga nakatayong istraktura ng nasabing tribu sa kabundukan nitong mga nakalipas na linggo.
Kasama rin ni Limmong na naideklarang Persona-non-Grata si Cordillera Regional Director PBGen. R’win Pagkalinawan, 2nd KPMFC Commander PMaj. Daniel Fakat, at PLtCol. Armando Lorette Jr.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay PCol. Limmong, hindi aniya makakaapekto sa kanilang sinumpaang tungkulin ang ginawang hakbang ng tribu laban sa kanila.
Ayon sa ulat, una nang inihayag ng Butbut Tribe na kasalukuyan noon ang paglagda sana sa isang kasunduan sa pagitan ng tribu at PNP para mabigyan umano sila ng seguridad bago pa man baklasin ang mga nakatayo sa lugar subalit nauna na itong nabaklas habang kasalukuyan ang negosasyon.
Ayon pa kay Limmong, ang pagtanggal sa military camp na kalauna’y inokupa ng nasabing tribu ay hakbang para maiwasan ang posibleng reklamo sa iba pang tribu lalo pa’t ito ay pinagtatalunang lugar.
Sinabi pa ng opisyal na wala pang naging kasunduan ang napag-usapan sa kanilang naging aksyon.
Giit pa niya, wala namang problema kung magtatayo ulit ng istraktura ang tribu basta kung maaari ay hindi sa lugar na pinagtatalunan ng iba pang mga tribu sa probinsya.
Sa ngayon, ipagpapatuloy pa rin ng pulisya ang kanilang mandato na ‘to serve and to protect’ para sa mga mamamayan.