4 presidentiables, nanindigang hindi aatras sa Eleksyon 2022

Nanindigan ang apat na presidential aspirants na hindi sila aatras sa kanilang kandidatura, tatlong linggo bago ang eleksyon.

Ito ang inihayag nina Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso, dating Defense Secretary Norberto Gonzales at Senator Panfilo Lacson sa isinagawang joint press conference habang ito rin posisyon ni Senator Manny Pacquiao na kasalukuyang nasa biyahe mula sa General Santos City.

Sa joint press conference, sinabi ni Mayor Isko na nagkaisa sila upang labanan ang anumang pagtatangka na baluktutin ang totoong pagpapasya ng taumbayan sa pamamagitan ng paglilimita sa malayang pagpili ng mga botante.


Binigyang-diin din ni Moreno na hindi sila magwi-withdraw at ipagpapatuloy ang kani-kanilang pangangampanya.

Para naman kay Gonzales, laking pagkukulang sa mamamayan kung hindi igagalang ang kanilang karapatang mamili ng nais nilang mamuno sa bansa.

Kasabay nito, binanggit ng mga presidential aspirants na pare-pareho ang kanilang karanasan hinggil sa patuloy na panghihikayat sa kanila na umatras sa halalan at ibigay ang suporta sa hindi pinangalanang kandidato.

Sabi pa ni Lacson, bukod sa inalok sila ng pera para umtras ay tila hinubaran pa sila matapos na kunin ang kanilang mga supporters.

Inihalimbawa rito ng senador ang pag-hijack sa dati niyang partido na Reporma gayundin ang Ikaw Na sa Cebu ni Mayor Isko.

Giit pa ni Lacson, hindi lang naman dalawang kandidato ang pagpipilian ng 111 milyong mga Pilipino.

Dagdag ni Moreno, dapat nang tigilan ang bangayan ng “pula” at “pinklawan” tuwing presidential elections.

Samantala, present din sa presscon sina vice presidential candidates Doc Willie Ong at Senate President Tito Sotto III na nagsabing hindi rin aatras sa kanilang kandidatura.

Hindi naman dumalo si dating Palace spokesperson Ernesto Abella na dapat ay bahagi ng joint press conference.

Facebook Comments