4-pulgada na ‘sungay’, tinanggal sa ulo ng isang lalaki

Goal Post Media / SWNS

Isang 74-anyos na lalaki sa India ang kamakailan lang ay tinanggalan ng apat na pulgadang mala-sungay na bukol sa kanyang ulo.

Nagsimula umano ito nang magtamo ng simpleng galos sa ulo si Shyam Lal Yadav, magsasaka sa Madhya Pradesh, noong 2014 na kalaunan ay napansin niyang bumukol.

Dahil wala namang nararamdamang sakit, pinabayaan ni Yadav ang bukol noong una, ayon kay Dr. Vishal Gajbhiye ng Bhagyoday Tirth Hospital sa Sagar district kung saan isinagawa ang operasyon.


Pinatatabasan din daw ng pasyente sa barbero ang umbok pero nang tumigas na at tuluyang humaba, saka na siya lumapit sa ospital.

Tinatawag na sebaceous o cutaneous horn ang tumubo kay Yadav–isang uri ng tumor na hindi mapanganib, ngunit may tyansa pa rin na maging malignant, ayon sa Journal of Oral and Maxillofacial Pathology.

Binubuo ito ng keratin–parehong protina na matatagpuan sa mga kuko–kaya maaari itong tanggalin gamit ang pang-ahit, ayon kay Gajbhiye.

Matapos operahan ang binansagan din na “devil’s horn“, puwede itong pagalingin gamit ang radiation o chemotherapy, at magsasagawa ng skin grafting para takpan ang sugat.

Goal Post Media / SWNS

Sa ngayon ay tuluyan na raw magaling si Yadav ayon sa mga doktor.

Maaaring tumubo ang “devil’s horn” sa mukha, tainga, mga kamay, mga daliri sa paa, at sa medyo malas na pagkakataon — sa ari ng lalaki.

Facebook Comments