4 pulis, ‘sumugod’ sa isang condo, ‘sinita’ ang mga unit owner na nasa pool area

Screenshot captured from Joseph Castillo's video.

TAGUIG CITY – Nagdulot ng matinding takot sa mga residente ng isang condominium sa Bonifacio Global City ang puwersahang pagpasok daw ng apat na pulis at nanita ng ilang unit owner noong Linggo ng hapon, Abril 19.

Sa kuhang video ni Bishop Joseph Castillo, makikita ang isang pulis na nakasuot ng camouflage uniform na naglalakad sa swimming pool area ng Pacific Plaza Towers habang sinisigawan ang mga naroon na pumasok na sa loob.

Ayon sa residente, marawi raw nakatirang banyaga sa nasabing gusali dahil isa itong “diplomatic approved community” kaya nagulantang sila sa presensya roon ng awtoridad.


“Philippine police unlawfully overran our security and forced their way into our community with guns on our private property today screaming at children of diplomats and foreign government dignitaries sitting with their families while waiving their guns telling them to go away to go in their units with no mask on themselves,” saad ni Castillo.

Sa isang pahayag, sinabi ng Pacific Plaza Towers na sinubukang pigilan ng mga guwardya na pumasok sa condominium area ang mga operatiba pero binantaan daw ang mga ito na aarestuhin.

Iginiit ng mga pulis na pumunta sila sa lugar para alamin kung sumusunod ang establisyimento sa protocol ng Inter Agency Task Force (IATF) kaugnay sa enhanced community quarantine.

Pinag-aaralan na daw ngayon ng pamunuan kung sasampahan ng reklamo ang mga operatiba.

MGA CONDO, SUBDIVISION HINDI EXEMPTED SA ECQ – PNP

Ipinagtanggol naman ng Philippine National Police (PNP) ang naging aksyon ng kanilang mga tauhan.

Paliwanag ng PNP, nirespondehan lamang ng Taguig PCP sa pangunguna ni P/Major Joseph Austria ang natanggap na reklamo hinggil sa pagsuway ng ilang tenant sa umiiral na ECQ at para manghingi na rin ng incident report.

Hindi daw kasi tumutugon ang Pacific Plaza Towers sa sumbong kaya napilitan si Austria na magtungo roon kung saan tumambad ang ibang unit owner na “nakatambay” sa pool area at wala pang suot na face mask.

Maging ang property manager ng condominium, nagalit kay Austria at sinabing COVID-19 free ang komunidad. Agad naman umalis sa lugar ang grupo upang hindi na mauwi sa matinding komprontasyon ang naganap na paghaharap.

Dahil sa insidente, plano rin ng pulisya na kasuhan ang pamunuan ng condominium.

Facebook Comments