Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na gumamit ng baril ang apat sa siyam na miyembro ng Jolo Police na sangkot sa pamamaril sa apat na sundalo nitong June 29.
Ayon kay NBI Deputy Director Antonio Pagatpat, nagpositibo ang apat na pulis sa paraffin test na kayang tukuyin ang gunshot residue sa mga suspek, habang ang mga basyo ng balang narekober sa crime scene ay nagtugma sa baril na ginamit ng mga ito.
Sinabi ni Pagatpat, nagpapatuloy pa rin ang ballistics examination at nakadepende ito kung may magtutugma pang mga basyo ng bala mula sa mga firearms na hawak ng mga pulis.
Isa sa tinitingnan ng NBI ay ang trajectory ng mga bala para malaman kung sino ang mga nakabaril sa mga sundalo.
Pinag-aaralan din ng digital forensic laboratory ng NBI ang CCTV footage ng pamamaril.