4 sa halos 10 Schools Division Offices sa bansa, nakapag-imprenta na ng self-learning modules para sa School Year 2020-2021

Aabot na sa apat sa halos sampung Schools Division Offices (SDOs) sa bansa ang nakakumpleto na sa pag-iimprenta ng mahigit 50 porsyentong self-learning modules para sa unang quarter ng School Year 2020-2021.

Ayon kay Department of Education (DepEd) Usec. Nepomuceno Malaluan, 82 sa 214 SDOs sa buong bansa ang nakapagpa-imprenta na ng mahigit kalahati sa kanilang distance learning materials.

Maliban dito, halos 50 porsyento na rin ng mga guro ang nakumpleto ang kanilang pagsasanay para sa distance learning sa 195 mula sa 214 SDOs.


Habang mahigit 23 milyong estudyante naman ang nakapag-enroll na ngayong taon na may katumbas na 83.1 percent enrollment noong nakaraang taon.

Kasabay nito, isinusulong ng DepEd ang pagkakaroon ng mas maraming TV network na mag-eere ng mga video lesson para sa mga estudyante bago ang pagbubukas ng klase sa Agosto 24, 2020.

Paliwanag ni DepEd Usec. for Administration Alain Pascua, may kinakausap na silang mga channels o TV networks na magiging available pagdating ng August 24.

Kung posible, target din nilang magkaroon ng tatlong channels para mas mahaba ang oras nang talakayan sa bawat grade level.

Samantala, aprubado na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang magpapalakas ng Alternative Learning System (ALS) para sa basic education ng mga hindi nakapag-aral na kabataan.

Sa botong 224 na yes at walang tumutol, nakalusot sa ikatlo at pinal na pagbasa ang House Bill 6910 o ang Alternative Learning System Act.

Garantisado sa ilalim ng panukala ang pantay na oportunidad sa mga mag-aaral at pagtatayo ng ALS Community Learning Center sa bawat munisipalidad at siyudad sa buong bansa.

Facebook Comments