4, SUGATAN SA SALPUKAN NG 3 SASAKYAN

Sugatan ang apat na indibidwal kabilang ang dalawang pahinante at dalawang bystanders matapos ang nangyaring karambola ng tatlong malalaking sasakyan sa kahabaan ng Barangay Nagsabaran, Diadi Nueva Vizcaya bandang 9:30 ng umaga ngayong araw, Oktubre 13, 2022.

Batay sa imbestigasyon ng PNP Diadi, nawalan umano ng preno ang Foton tractor head na may trailer tanker dahilan upang sumalpok ito sa likod na bahagi ng Closed Van Forward truck.

Dahil sa lakas ng impak, bumangga rin ito sa harap ng Hino trailer truck.

Kinilala ang drayber ng trailer tanker na si Vladimer Somera, 32-taong gulang, residente ng San Jose, Nueva Ecija habang ang pahinante nito ay si Micheal Correa, 32-taong gulang, at residente ng San Agustin, Nueva Ecija na sugatan na insidente.

Ang drayber naman ng Forward truck ay si Jesson Jandoc, 31-taong gulang habang ang pahinante nito ay si Jonathan Abon Lamarta, 29-taong gulang kapwa residente ng Cordon, Isabela na isa rin sa mga nagtamo ng sugat sa insidente.

Habang ang drayber naman ng trailer truck ay si Christian Mark Sarmiento, 23-taong gulang at residente ng Jones, Isabela.

Nadamay din ang mga bystander na si Zaira Olladas Sarmiento, 24-taong gulang, at ang kanyang dalawang taong gulang na anak.

Ang mga sugatan ay dinala sa Diadi Emergency Hospital para sa medical na atensyon.

Facebook Comments