4 SUGATAN SA SALPUKAN NG KOTSE AT MOTORSIKLO

24
Sugatan ang tatlong sakay ng motorsiklo at drayber ng nakabanggaang kotse sa kahabaan ng National Highway na sakop ng Barangay San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Ang drayber ng motorsiklo ay itinago sa alyas “Fred”, 25 taong gulang, residente ng San Guillermo, Isabela at dalawang angkas na sina alyas “Jay”, 24 taong gulang, residente ng Palanan, Isabela at alyas “James”, 20 taong gulang, residente naman ng Cauayan City, Isabela samantalang ang drayber ng kotse ay itinago rin sa pangalang “Maricel”, 30 taong gulang, negosyante, at residente naman ng City of Ilagan, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng iFM Cauayan, binabaybay ng Toyota Vios ang pambansang lansangan patungong Santiago City habang bumabaybay naman sa FNDy Boulevard road ang motorsiklo.

Nang makarating sa Cabaruan road intersection, aksidenteng nagpang-abot ang dalawang behikulo na dahilan ng kanilang salpukan.

Sa lakas ng impak, nagtamo ng pinsala sa katawan ang tatlong sakay ng motorsiklo maging ang drayber ng kotse.

Nadala sa ospital ang mga sugatan at maayos na ang kanilang kalagayan.



Samantala, nakatakdang mag-usap ang magkabilang panig para sa posibleng pagsasampa ng kaukulang reklamo o kung idadaan na lamang sa areglo.

Facebook Comments