4 Sundalo,Sugatan sa Bakbakan laban sa Rebeldeng Grupo sa Isabela

Cauayan City, Isabela-Apat ang sugatan sa tropa ng 95th Infantry Battalion matapos makaengkwentro ang nasa humigit kumulang 10 miyembro ng rebeldeng grupo pasado alas-7:30 kaninang umaga sa Barangay Capellan, Ilagan City, Isabela.

Una rito, nakatanggap ng impormasyon ang tropa ng militar hinggil sa presensya ng teroristang grupo sa kanilang ginagawang pangingikil sa mga tao sa lugar.

Nang beripikahin ang nasabing impormasyon ay kaagad na pinaputukan ng baril ng mga miyembro ng Regional Sentro De Gravidad (RSDG) ng Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley (KR-CV) ang tropa ng kasundaluhan na tumagal ng 30-minuto.


Dahil sa nangyayaring insidente, agad namang tumulong ang tropa ng Tactical Operations Group 2 ng Philippine Airforce sa pagbibigay ng Close Air Support sa nangyayaring bakbakan sa lugar.

Makalipas ang ilang minuto, mabilis na umatras ang mga rebelde dahilan upang marekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang (1) M16 rifle, dalawang (2) shotguns, tatlong (3) short magazines ng M16, 53-piraso ng 5.56 ammunitions, limang (5) 12-gauge shotgun ammunition at mga personal na kagamitan ng mga rebeldeng grupo.

Gayunman, sa kabila ng tagumpay ng tropa ng pamahalaan sa pagpapatigil sa ginawang pananakot ng mga rebelde sa mga tao sa lugar at ang pangingikil ng pera at pagkain sa mamamayan, apat ang bahagyang nasugatan.

Agad namang binigyang ng paunang lunas ang mga sugatang sundalo habang nakita sa lugar ang bakas ng mga dugo na palatandaan na may namatay sa hanay ng rebelde.

Tiniyak naman ni LTC. Carlos Sangdaan Jr, Commander ng 95 Infantry Battalion na hindi nila hahayaang makagawa ng terorismong hakbangin ang mga rebelde para makagulo sa komunidad.

Samantala,hinimok naman ni BGen. Danilo Benavides, Commander ng 502nd Infantry Brigade ang mga natitirang miyembro ng rebelde na magbalik loob na sa pamahalaan at tamasahin ang benepisyo mula sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).

Dagdag dito, pinuri naman ni MGen. Laurence E Mina, Commander ng 5th Infantry Division ang katapangan ng tropa ng kasundaluhan sa pagprotekta sa mga mamamayan laban sa mga terorista lalo na ang ipinakitang katapangan ng apat na sugatan.

Nagpasalamat naman ito sa komunidad sa kanilang patuloy na kooperasyon at suporta sa pwersa ng gobyerno sa palagiang pagbibigay ng impormasyon sa presensya ng rebelde sa kanilang mga barangay.

Facebook Comments