40 evacuees sa Marikina City, isinailalim sa PCR COVID-19 testing matapos na magpositibo sa rapid test

Hinihintay pa ng Lokal na Pamahalaang Lungsod ng Marikina ang resulta ng Polymerase Chain Reaction (PCR) test ng 40 evacuees sa lungsod na nagpositibo sa rapid test.

Nabatid na nagsagawa ang Marikina Local Government Unit (LGU) ng malawakang surveillance test sa pangambang magkakaroon ng COVID-19 transmission sa mga evacuation center dahil sa pagdagsa ng libo-libong biktima ng Bagyong Ulysses.

Samantala, ayon kay Mayor Marcy Teodoro, naka-isolate na ang 68-anyos na evacuee na unang napaulat na positibo sa PCR test habang negatibo naman ang kanyang pamilya at 13 nakasalamuha sa evacuation area.


Nangangamba naman ang alkalde na kulangin ang kanilang suplay ng test kits lalo’t nasa 15,000 pa ang nananatili sa mga evacuation center.

“Meron lamang tayong 7,000 supply ng test kits sa ngayon kaya nag-emergency procurement tayo ng additional 5,000 dahil talagang kukulangin ito dahil napakarami pa ring nasa evacuation center,” ani Teodoro sa panayam ng RMN Manila.

Matatandaang sinabi ni Dr. Butch Ong ng OCTA Research Group na mataas ang transmission possibility sa mga lugar na tinamaan ng bagyo.

Isa aniya ito sa maaaring maging basehan sa ipatutupad na quarantine restriction sa Disyembre.

Samantala, bukod sa posibleng pagkalat ng COVID-19, mahigpit ding tinututukan ng LGU ang iba pang sakit na maaaring makuha ng mga residente mula sa pagbaha.

“Priority natin ngayon ay ‘yong makabangon ang ating mga kababayan sa kahirapan, sa pinsalang dulot ng bagyo. Na-washout na ‘yong gamit mo, wala kang trabaho. Hindi mo na malaman saan ka kukuha ng panggastos, tapos may COVID ka pa, ayaw nating makadagdag pa ito. Maliban sa COVID, nariyan pa yung lesptospirosis, cholera, iba’t iba pang sakit na dulot nitong pagbaha,” saad ng alkalde.

Facebook Comments