40 MANGINGISDA SA ZAMBALES, DUMALO SA PAGSASANAY SA PANGKALIGTASAN AT SEGURIDAD SA KARAGATAN

Apatnapung (40) mangingisda mula sa iba’t ibang bahagi ng Zambales ang lumahok sa isinagawang pagsasanay sa pangkaligtasan at seguridad sa karagatan na pinangunahan ng Philippine Merchant Marine Academy (PMMA) kahapon.

 

Layunin ng naturang pagsasanay na palalimin ang kaalaman ng mga mangingisda sa tamang paggamit at pagkukumpuni ng makina ng bangka, mga pamamaraan sa pagsalba ng buhay sa gitna ng sakuna, at paghahanda sa tuwing may masamang panahon — mga kasanayang kritikal para sa kanilang kaligtasan sa dagat.

 

Ayon kay Romano Alaban, isang beteranong boat captain, napakalaking tulong ng ganitong pagsasanay para sa mga tulad nilang palaging nasa laot.

 

Bukod dito, ibinahagi rin ni Chief Engineer Naian ang mga mahahalagang kaalaman sa regular na inspeksyon ng makina upang mapanatili ang maayos na operasyon ng bangka at mapahaba ang buhay ng mga ito. Tinalakay rin nito ang mga pangunahing senyales ng depekto sa makina na dapat bantayan upang maiwasan ang aberya habang nasa laot.

 

Ang ganitong uri ng pagsasanay ay bahagi ng patuloy na kampanya ng PMMA upang palakasin ang kapasidad ng mga lokal na mangingisda at bigyan sila ng sapat na kaalaman para mapanatili hindi lamang ang kanilang kabuhayan kundi pati na rin ang kanilang kaligtasan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments