40 na Iba’t-ibang Uri ng Malalakas na Pampasabog, Nahukay sa Isang Junkshop sa Isabela

Cauayan City, Isabela- Matagumpay na nahukay ng mga kasapi ng Explosive Ordnance Disposal Unit ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) ang 40 na iba’t-ibang uri ng pampasabog sa nasasakupan ng isang junkshop sa Brgy. Nungnungan II, Cauayan City, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Ins. Oliver Salamero, hepe ng Provincial EOD K-9 Unit, mayroon aniyang direktiba ang kanilang Director na kailangang bisitahin ang lahat ng mga junkshop sa probinsya upang makipag-ugnayan sa mga may-ari kung mayroong nakita o mga narekober na hazard na mga bagay gaya ng bomba na kanilang ipagbigay alam upang matugunan at mailayo sa peligro.

Nagbunga naman aniya ang kanilang ginawang pakikipag-ugnayan dahil mismong ang may-ari din ng isang Junkshop sa nasabing lugar ang nagsabi na mayroon itong isang (1) itinagong bomba sa kanyang bakuran.


Dito na nagsagawa ng operasyon ang EOD unit ngayong araw, April 13, 2021 sa pangunguna ni P/Insp. Salamero na kung saan hindi lamang iisang bomba ang kanilang nahukay kundi umaabot sa 40 na kinabibilangan ng mga 155 at 105mm high explosive projectile.

Ayon sa may-ari ng Junkshop, binili umano nila noon ang mga bomba at ibinaon sa kanilang bakuran.

Sinabi naman ni P/Insp. Salamero na ang mga nadiskubreng pampasabog ay mga gamit pa noong World War II na kayang makapatay ng maraming tao kung ito ay sasabog.

Ang mga nahukay na lumang bomba ay kasalukuyang nasa kustodiya ng EOD K-9 unit at pasasabugin rin sa Capas, Tarlac oras na maaprubahan ang kanilang Disposal request sa Headquarter.

Mensahe naman ng Hepe sa publiko na kung mayroon din makita na mga bomba ay agad na ipagbigay alam sa kanilang tanggapan o sa kapulisan para mabigyan ng kagyat na tugon at maiwasan ang anumang di kanais-nais na insidente.

Facebook Comments