Umabot na sa 40 ang naitalang nasawi dahil sa pananalasa ng Bagyong Ulysses sa ilang rehiyon sa bansa.
Ito ang iniulat ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Gilbert Gapay sa isinagawang cluster meeting sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) headquarters sa Camp Aguinaldo.
Sa iprinisentang datos ni Gapay, 27 ang naitalang nasawi ng Philippine National Police (PNP), walo ang naitala ng AFP at lima ang naiulat ng Bureau of Fire Protection (BFP).
34 na indbidwal naman ang nawala sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Ulysses.
24 sa missing naitala ng PNP, siyam ang naiulat ng AFP at isa naiulat ng BFP na ngayon ay sentro ng search and rescue operations.
Sa panig ng PNP, sinabi ni PNP Spokesperson Police Col. Yu na naka-deploy pa rin ang halos 7,000 pulis para sa search and rescue operations habang may mahigit 1,000 pulis ang itinalaga sa evacuation centers para tumulong sa pamamahagi ng food packs at iba pang pangangailangan ng evacuees at para tiyakin ang seguridad ng mga ito.