40 tonelada ng campaign waste materials, nakolekta na

Umabot na sa 40 tonelada ng basura ang nakolekta ng Department of Public Order and Safety o DPOS mula sa isinasagawa nilang pagbabaklas ng mga campaign posters sa Quezon City.

Ayon kay Retired General Elmo San Diego ang Head ng QC-DPOS, nasa tatlong truck ng basura ang kanilang napuno mula sa pinagbabaklas na mga posters at campaign materials sa ilang lugar sa lungsod na sinimulan kaninang alas-6:00 ng umaga.

Sinabi pa ni Gen. San Diego na tatagal mula 3 araw hanggang 2 linggo ang kanilang baklas operation sa mga lansangan bago tuluyang maalis ang mga campaign materials sa lungsod.


Ito ay dahil sa malaki umano ang lungsod na may anim na distrito para makumpleto ang isinasagawang pagbabaklas ng DPOS sa mga posters at campaign materials.

Hinikayat din ng DPOS ang mga opisyal ng barangay na makiisa sa paglilinis sa kanilang nasasakupang lugar na tambak ng campaign materials kabilang dito ang eskwelahan na nagsilbing mga polling center sa kakatapos na election.

Facebook Comments