400 pribadong paaralan, posibleng magsara dahil sa kawalan ng enrollees – COCOPEA

Nasa 400 pribadong eskwelahan ang nanganganib na magsara dahil sa kawalan ng mga nag-eenroll sa gitna ng COVID-19.

Ito ang lumabas sa survey na isinagawa ng Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines (COCOPEA).

Ayon kay COCOPEA Managing Director Joseph Noel Estrada, nasa 80% ng 500 pribadong eskwelahan na na-survey nila ay maaaring magsara.


Tinatayang nasa 370,000 private school teachers ang natapyasan ng sahod o nasa estado na ng “no work, no pay” mula nang magsimula ang pandemya.

Sinabi naman ni Alliance of Concerned Teachers (ACT) Secretary General Raymond Basillo, tinatayang nasa 319,000 estudyante lamang ang nag-enroll sa mga pribadong paaralan para sa nalalapit na school year, kumpara sa apat na milyong enrollees noong nakaraang taon.

Babala ni Basillio, kapag nagsara ang mga eskwelahan ay maaaring magkaroon ng layoff o retrenchment ng mga private school teachers.

Punto pa ni Basillo, maraming magulang ang walang kita bunsod ng quarantine restrictions.

Hinimok ngayon ng COCOPEA ang pamahalaan na ikonsidera ang pagbibigay ng subsidy para sa mga private school teachers.

Facebook Comments