400 tao, tanging papayagan kada misa sa Quiapo Church sa Pista ng Itim na Nazareno

Tanging 400 tao lamang kada misa ang maaaring makapasok sa Simbahan ng Quiapo sa Maynila sa Sabado, January 9, Kapistahan ng Itim na Nazareno.

Ayon kay Alex Irasga ng Traslacion 2021 Technical Working Group (TWG), ang mga hindi makapapasok ay maaaring dumalo sa misa sa labas ng simbahan.

Nasa 15 misa ang gagawin, kaya kabuuang 6,000 deboto ang papayagan pumasok sa simabahan.


Pwede rin silang dumalo sa mga misang gagawin sa Quezon Boulevard, Carriedo, Carlos Palanca, Plaza Miranda at Plaza San Juan, pero ipatutupad ang social distancing.

Magkakaroon ng LED billboards sa mga kalsada para mapanood ng mga deboto ang mga aktibidad sa loob ng simbahan, ilalagay ito sa Villalobos Street.

Pwede rin silang magtungo sa iba pang simbahan gaya ng Sta. Cruz Church, San Sebastian Church o sa sarili nilang parokya sa kanilang komunidad.

Gagawin ang mga misa hanggang alas-12:00 ng madaling araw at ila-livestream sa Facebook page ng Quiapo Church.

Apela naman ni Quiapo Church Rector Monsignor Hernando Coronel sa mga deboto na manatili sa kanilang mga bahay para na rin sa kanilang kaligtasan ngayong pandemya.

Facebook Comments