Inaprubahan ng Social Security System (SSS) ang higit 4,300 unemployment benefit applications na inihain online.
Ayon kay SSS President and CEO Aurora Ignacio, nakapagpalabas na sila ng inisyal na ₱59.80 million na halaga ng unemployment benefits sa 4,392 na kwalipikadong miyembro na nagsumite ng kanilang online application sa pamamagitan ng My.SSS accounts mula June 22 hanggang July 6, 2020.
Inaasahang tataas pa ang datos dahil patuloy na nadadagdagan ang mga kumpanyang nagdedeklara ng retrenchment o closure bunsod ng COVID-19 crisis.
Ang pinakamaraming online applicants ay naitala sa Luzon (1,697), sinundan ng National Capital Region (972), Visayas (894) at Mindanao (822).
Pagdating sa paraan ng disbursement, 99% ng mga miyembro ay nakatanggap ng cash benefits sa pamamagitan ng kanilang savings accounts.
Ang natitirang isang porsyento ay mapupunta sa kanilang Multipurpose Identification (UMID) card na naka-enroll bilang ATM o sa pamamagitan ng Remittance Transfer Companies (RTCs) o cash payout outlets.
Ang Unemployment Benefit ay katumbas ng kalahati ng average monthly salary credit (AMSC) sa loob ng dalawang buwan.
Ang cash benefit ay naglalaro mula sa minimum amount ng ₱1,200 hanggang sa maximum amount na ₱16,800 kung voluntary separated nitong July 2020.