4,000 OFWs, nakauwi na sa kanilang mga probinsya kahapon

Nasa 4,000 Overseas Filipino Workers (OFWs) na stranded sa mga quarantine facilities sa Metro Manila ang napauwi na ng Department of Labor and Employment (DOLE) kahapon.

Ito ay kalahati ng bilang na target na mapauwi ng pamahalaan sa loob ng isang araw.

Ayon kay DOLE Secretary Silvestre Bello III, kinapos sila ng bus na maghahatid sa mga OFW sa mga probinsya kaya hindi naabot ang target na 8,000 kada araw.


Kaya bukod sa pagdoble sa bilang ng mga bus, gagamit na rin sila ng mga barko.

Matatandaang binigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng isang linggo ang DOLE, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Health (DOH) para mapauwi sa kani-kanilang probinsya ang mga OFW na nakatapos na sa 14-day mandatory quarantine at naghihintay na lang ng resulta ng kanilang COVID-19 test.

Inaasahang aabot sa 300,000 OFWs ang babalik sa Pilipinas ngayong taon.

Facebook Comments