Dinudumog ng mga driver ng PUJ, Tricycle, Grab at iba pang Public Utility Vehicles (PUVs) na kumukuha ng ayuda mula sa Social Amelioration Program ng gobyerno ang Land Bank of the Philippines (LBP) dahil sa abisong ipinalabas ng Department of Transportation (DOTr) na bibigyan ng ayuda ang mga tsuper.
Sa abisong inilabas ng DOTr, nasa 40,000 na drayber ang maaaring mabigyan ng ayuda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) mula sa Social Amelioration Program ngayong araw ng Miyerkules Santo.
Ayon sa DOTr, patuloy ang pamamahagi ng ayuda sa mga pamilya ng PUV drivers na hindi makapasada dahil sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) na dulot ng Coronavirus Pandemic o COVID-19.
Kaninang umaga ay inilabas na ng LTFRB ang listahan ng mga driver na kwalipikadong makakuha ng ₱8,000 tulong mula sa pamahalaan.
Sinabi ng gwardiya ng LBP, bagama’t hanggang alas dose lamang ng tanghali dapat na sila ay bukas pero uubusin na nilang mabigyan lahat ng nararapat ang mahaba pang bilang ng mga nakapilang mga driver.