400,000 litro ng pinuslit na diesel, nasabat ng militar at pulis sa Tawi-Tawi

Nakumpiska ng pinagsanib na pwersa ng 112th Marine Company at Philippine National Police (PNP) Turtle Islands ang 400,000 litro ng diesel mula sa isang dayuhan at isang lokal na barko sa Lihiman Island, Taganak, Turtle Islands, Tawi-Tawi nitong Sabado.

Ayon kay Brig. Gen. Romeo Racadio, Commander ng Joint Task Force Tawi-Tawi, ang operasyon ay resulta ng impormasyon kanilang natanggap ng Taganak Municipal Police Station tungkol sa ilegal na pagdiskarga ng diesel sa naturang barangay.

Naabutan ng mga rumespondeng tropa sa lugar ang 16 na crew ng Malaysian vessel na Marnia Penang na nagdidiskarga ng diesel sa lokal na barkong Jaslyn Stacy Legazpi.


Inamin naman ng kapitan ng motor tanker Jaslyn Stacy Legazpi na nagmula ang kanilang barko sakay ang 13 crew sa Navotas at 3 araw silang naka-angkla sa lugar habang hinihintay pa ang isang barkong may dalang karagdagang 200,000 litro ng diesel.

Ang dalawang barko ay dinala na sa Taganak Pier at itinurn-over sa Philippine Coast Guard (PCG) sa Turtle Islands.

Kasunod nito, nagpapasalamat ang mga awtoridad sa mga residente sa lugar na nagbigay ng impormasyon na naging daan sa matagumpay na operasyon.

Facebook Comments