Ininspeksyon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang 4,043 establisyemento sa Metro Manila para sa environmental compliance.
Ayon kay DENR acting Secretary Jim Sampulna, karamihan sa mga na-inspeksyon ay ang mga commercial businesses, restaurants, manufacturing establishments, gasoline stations at warehouses.
Mula sa naturang bilang, 1,857 na establisyemento ay walang environmental compliance certificates o certificates of non-coverage, habang ang 1,894 naman na establisyemento ay walang wastewater discharge permits.
Samantala, umabot naman sa 3,623 sa mga ito ang may “access” sa wastewater treatment facility.
Umabot naman sa 2,306 ang may septic tanks, 255 ang may sewage treatment plants habang ang 104 ang may sequencing batch rectors.
Samantala, 575 na establisyemento naman ang naka-konekta sa water concessionaires.
Mag-iisyu ang DENR ng kinakailangang notices sa mga naturang establisyemento na napatunayang nagkulang sa kanilang mga obligasyon sa ilalim ng Republic Act (RA) 9275 o ang Philippine Clean Water Act of 2004.
Layon ng mga isinagawang inspeksyon na mapabilis ang rehabilitasyon ng Manila Bay bago pa man matapos ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.