Umabot na sa P1.4 million ang naipamigay na ayuda ng Quezon City Local Government Unit (LGU) na umabot sa 40,893 na pamilya na apektado ng dalawang linggong Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila.
Ito’y sa pagpapatuloy ng pagkakaloob ng ayudang nagmula sa national government para sa mga pamilyang naapektuhan ang kabuhayan.
Nasa 51,151 families sa lungsod ng Quezon ang target na mabigyan ng cash assistance sa 33 barangay.
Ayon sa QC local government, tig P1,000 cash aid ang tatanggapin ng bawat individual hanggang P4,000 sa apat na miyembro ng pamilya o higit pa.
Kabilang sa mga barangay na nakatanggap na ng ayuda ang Greater Lagro, Sauyo, Old Balara, Bagong Silangan, Commonwealth at 28 barangay pa.
Habang sa mga susunod na araw naman, ipamamahagi ang ayuda sa mga lubhang naapektuhan ng ECQ sa iba’t ibang lugar sa anim na distrito ng lungsod.
Ang listahan ng mga benepisyaryo ay ipapaskil sa mga barangay, at makikita rin sa official Facebook page at website ng Quezon City LGU.