40K Beneficiaries ng CAMP 2 sa Tourism Sector, Target bigyan ng P5,000-DOLE

Cauayan City, Isabela- Tinalakay ng Department of Labor and Employment (DOLE) region 2 ang mga posibleng maging problema bago makuha ang tulong pinansyal sa ilalim ng COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) 2 para sa mga benepisyaryo sa sektor ng turismo sa Alicia, Isabela.

Una rito, nag-organisa ng orientation ang ahensya katuwang ang Provincial Local Government Unit ng Isabela upang magbigay impormasyon sa ‘mode of payment’ o paraan ng pagkuha ng kanilang perang matatanggap sa pamamagitan ng money remittance centers kasunod ng pagtitiyak na masusunod ang minimum health protocols.

Ilan sa naging tampok na usapin ay gaya ng ‘mispelled names’ o maling pangalan at non-receipt ng reference numbers na maaaring maitama ng DOLE field offices habang inaabisuhan ang mga benepisyaryo na magdala ng valid ID sa pagkuha ng kanilang tulong pinansyal.


Aabisuhan naman ang mga benepisyaryo ng partner remittance centers kung maaari ng makuha ang financial assistance na nagkakahalaga ng P5,000 bawat isa.

Matatandaang nagsimula ang programang CAMP noong nakaraang taon kung saan unang ipinatupad ang CAMP 1 mula buwan ng March hanggang May 2020 at nasa 22,000 beneficiaries ang nakinabang sa naturang programa na umabot sa P110 milyon ang naipamahagi.

Sa huling quarter ng 2020 nang magsimula naman ang CAMP 2 kung saan tinatayang nasa 40,000 beneficiaries na hindi nabebenipisyohan sa ilalim ng CAMP 1 nakatakdang makakuha ng tulong gayundin ang mga formal sectors na hiniling na makapag-apply sa programa.

Umabot naman sa mahigit P319 milyon ang naipamahagi sa kabuuang 63, 923 beneficiaries ng programa.

Target naman ng ahensya katuwang ang DOT na mabenipisyuhan ang nasa 40,000 katao mula sa P200-milyon na pondong inilaan para dito.

Facebook Comments