Umabot na sa 41 milyong Pilipino ang nakakumpleto na ng rehistrasyon sa Philippine Identification System (PhilSys) o national ID.
Ayon kay Philippine Statistics Authority (PSA) Assistant Secretary and Deputy Statistician Rosalinda Bautista, as of November 4 ay 82% na ito ng 50 million target population ng PhilSys na makakapagrehistro ngayong 2021.
Kabilang sa 41 milyon ang mga Pilipinong natapos na sa Step 2 o yung pagkuha ng demographic information tulad ng biometric data, fingerprints, iris scans at front-facing photographs.
Bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte, target ng PSA na irehistro na ang 90 million Pilipino.
Magagamit ang National ID sa iba’t ibang transaksiyon tulad ng pagwithdraw ng cash, tap payments, online shopping at pagtanggap ng subsidiya mula sa gobyerno.