Kasabay ng inaasahang pagbuhos ng mga biyahero sa nalalapit na long weekend, inatasan na ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang airline companies na magdagdag ng counters sa mga paliparan.
Sinabi ni CAAP Spokesperson Eric Apolonio na siguradong mas marami ang uuwi ngayon sa kani-kanilang mga probinsiya na sasakay sa mga eroplano sa long weekend dahil na rin sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) at sinundan pa ng Undas.
Dahil dito, nagdagdag na rin ang mga paliparan ng mga empleyado at security personnel na ipapakalat para matiyak na maayos ang biyahe ng mga uuwi sa weekend.
Nananatili naman umanong naka-heightened alert ang ilang paliparan dahil sa bomb threats at bomb jokes.
Ang paghahanda ng CAAP sa Oplan Biyaheng Ayos mula Oktubre 28 hanggang Nobyembre 4 ay base na rin sa direktiba ni Department of Transportation (DoTr) Sec. Jaime Bautista.