Lumalakas na ang testing capacity ng COVID-19 laboratory ng Philippine Red Cross (PRC).
Ayon kay PRC Chairman at Senator Richard Gordon, 42% na ng total COVID-19 testing ng bansa ang nanggagaling sa PRC.
Kaninang umaga, aabot sa 3,510 test ang nagawa ng PRC na inaasahang aakyat pa sa apat hanggang limang libo mamayang gabi.
Aniya, sakaling makapasa sa Research Institute for Tropical Medicine, apat na Polymerase Chain Reaction (PCR) machines pa ang ipapasok nila sa lumang headquarter ng PRC sa Port Area, Manila.
Ibig sabihin, karagdagang 4,000 tests pa ang kanilang magagawa kada araw.
Anumang araw, inaasahang makakapagsagawa na rin ng test ang mga makinang inilaan ng PRC sa Subic, Zambales; Clark, Pampanga, Batangas at UP Los Baños.
Habang sa susunod na linggo, matatapos na ang ginagawang laboratoryo sa Cebu.
Target din ng PRC na makapagsagawa ng test sa Bacolod, Zamboanga, Cagayan de Oro, Butuan at sa General Santos City o Davao.