424 estudyante, posibleng mawalan ng scholarship dahil sa “pass all” policy

Posibleng mawalan ng scholarships ang nasa 424 scholars dahil sa “pass all” policy ng 17 Higher Education Institutions (HEI).

Sa liham ng Commission on Higher Education (CHED), hiniling nito sa mga HEIs na bigyan ng numerical grades ang scholars para maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa ilalim ng CHED Merit Scholarship Program (CMSP).

Binigyan lamang ng CHED ng hanggang October 30 ngayong taon ang HEIs para tumugon at ma-evaluate na ang General Weighted Average (GWA) ng scholars.


Ayon kay CHED Chairman Propero De Vera III, hindi katulad ng Tertiary Education Subsidy at Tulong Dunong grants, ang CMSP ay iginagawad sa mga estudyante base lamang sa scholastic performance o grado sa priority degree programs ng gobyerno.

Aniya, obligado ang CMSP scholars na i-maintain ang GWA ng hindi bababa ng 85% o katumbas nito kung sila ay full scholar o 80% kapag half scholar.

Aniya, nagkaroon ng problema dito nang ipatupad ng mga education institution ang “pass all” policy sa kanilang 2nd semester.

Posibleng mawala ang scholarship ng mga estudyante kapag hindi agad maibigay ng HEIs ang kahilingang numerical grades.

Ang 17 HEIs ay kinabibilangan ng Saint Mary’s University, Bataan Heroes Memorial College, De La Salle University – Dasmariñas, STI College Rosario, UP Los Baños, Cavite State University, Mary Help of Christians College-Salesians Sisters Inc., Ateneo de Naga University, Partido College, Pili Capital College, Inc.

Kasama rin ang Bicol State College of Applied Sciences and Technology, UP-Visayas, Mindanao State University – Iligan Institute of Technology, Mindanao State University- Naawan, PUP – Sta. Mesa, Manila, University of Baguio at Mindanao State University – Marawi.

Facebook Comments