Nasagip ng mga tauhan ng Philippine National Police-Anti Kidnapping Group (PNP-AKG) ang 43 Chinese nationals na pawang mga biktima ng human trafficking.
Sa presscon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos sa Kampo Krame sinabi nito na kahapon ay may nagpadala sa kaniya ng mensahe na humihingi ng tulong matapos ma-kidnap ang Chinese assistant ng kaniyang kaibigan kung saan ang huli nitong lokasyon ay Clark.
Agad namang nagpasaklolo si Sec. Abalos sa PNP – AKG kung saan kaninang umaga ay na-rescue ang biktima.
Ani Abalos, matapos mailigtas ang biktima tumambad pa sa mga operatiba ng PNP-AKG ang 42 iba pang Chinese nationals na mga POGO workers at biktima ng human trafficking sa Lucky South 99 Fil-Am Highway, Angeles, Pampanga.
Naaresto sa operasyon ang isang Chinese national na kinilalang si Chen Yi Bien alyas Ayi, 33 anyos at human resource ng Lucky South 99.
Sa ngayon, sumasailalim na sa debriefing ang unang biktima at inihahanda na rin ang mga kasong isasampa laban sa suspek.
Habang ang 42 iba pang POGO workers na nasagip ay dumadaan na sa documentation at records verification.