Nai-download na ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang tulong pinansyal para sa 43 Overseas Filipino Workers na tinamaan ng COVID-19 sa Hong Kong.
Ayon kay OWWA Administrator Arnell Ignacio, kada OFW ay makatatanggap ng 200 US dollars o katumbas ng mahigit P11,000.
Bago ito, ilang OFW na nagkaroon ng COVID-19 sa Hong Kong ang nagreklamo dahil sa mabagal na pagbibigay ng ayuda sa kanila.
Paliwanag naman ni Ignacio, may proseso at guidelines kasi na kailangang sundin ang ahensya bago magpalabas ng pondo.
“Yun kasing original nating MOI na sinusunod batay doon sa “Alalay Kabahayan” na program, may requirement kasi e. Noong panahon na yun, ang guidelines na nag-e-exist ay una, kailangan active member. Pangalawa, kailangan meron ka talagang matibay na proof na ikaw ay nagka-COVID, naospital ka ba o ikaw ay na-quarantine,” paliwanag ni Ignacio sa interview ng RMN DZXL 558.
“Nauunawaan ko naman dahil napakahirap nga sa Hong Kong na makakuha ng certification and all that. So, what did we do. Nangako ako dun sa 43 [OFW] na gagawa kami ng ibang paraan. Kasi nga doon, kako, ako ay makakasuhan kapag ako ay nag-release ng pera sa dating paraan,” saad ng opisyal.
“So ngayon, meron tayong financial assistance na lang na inaprubahan for the 43. So meron silang tig-200 US dollars. We sent that yesterday… matatanggap na nila ‘yan,” dagdag pa niya.
Kasabay nito, umapela rin ng pang-unawa si Ignacio at tiniyak na ginagawa nila ang lahat para matulungan ang mga OFW.
“kami rito sa OWWA, kaibigan niyo kami. Magpatuloy lang tayong mag-communicate at wag niyo pag-isipan na kami sa OWWA e ayaw kayong tulungan. Hindi lang talaga magawa ng napakabilis, pasensya na kayo,” pahayag pa ni Ignacio.