433 na nanalo sa ₱236 million 6/55 Lotto, ipasisilip ng Senado

Maghahain ng resolusyon si Senate Minority Leader Koko Pimentel para pa-imbestigahan ang pagkapanalo ng mahigit 400 na tumaya sa ₱236 million PCSO Grand Lotto Jackpot.

Nitong Sabado ay 433 bettors ang nanalo sa 6/55 lottery na may winning combination na 09-45-36-27-18-54 at maghahati sa nasabing grand prize.

Duda si Pimentel sa resulta ng Lotto dahil ang mahigit 400 na nakakuha ng parehong winning numbers ay “one in a billion” o napakaliit lang ng tyansa.


Aniya, ang winning combination na “divisible by 9” ay maaaring isang “independent event” na posibleng pambihira o aksidente lamang na lumabas ang mga numero pero ang 433 na nanalo sa iisang winning combination ay sobrang kahina-hinala na.

Hihilingin ni Pimentel na magpatawag ng pagdinig para rito upang malaman ang integridad ng mga otorisadong gambling activities sa bansa.

Partikular na nais mabusisi ng senador ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kung “lucky pick” o “systems generated” ang mga naipanalong numero.

Sakali kasing hindi random ang “lucky pick” ng PCSO, nangangahulugan na sadyang ipinamigay ang panalo sa mahigit 400 katao.

Facebook Comments