Pamahalaang lungsod ng Mandaluyong, nakapagbigay na ng 20% down payment sa AstraZeneca para sa pagbili ng COVID-19 vaccine
Inihayag ng pamahalaang lungsod ng Mandaluyong na nakapagbigay na sila ng 20% down payment sa AstraZeneca Pharmaceuticals – Philippines para sa pagbili ng 150,000 doses ng COVID-19 vaccine.
Ayon kay Mayor Menchie Abalos, ibig sabihin lang daw nito na lahat na nag parehistro sa www.mandaluyong.gov.ph/vaccine ay mabibigyan ng libreng bakuna kapag nai-deliver na ang mga COVID-19 vaccines.
Aniya, sa kanilang tala kahapon, nasa 34,402 indibidwal na ang nakapagparehistro para sa nasabing bakuna.
Kaya naman panawagan ng alkalde ng lungsod sa mga residente nito na magparehistro na sa kanilang website na www.mandaluyong.gov.ph/vaccine
Isa ang lungsod ng Mandaluyong sa mga Local Government Unit (LGU) ng Metro Manila na lumagda sa isang tripartite agreement para makabili ng COVID-19 vaccine sa AstraZeneca.