44-anyos na lalaki, tinaga sa harap mismo ng anak

1425

GENERAL SANTOS CITY – Humihiling ng hustisya ang pamilya ng 44 taong gulang na lalaki na pinagtataga sa harap mismo ng kaniyang 10-anyos na anak nitong Huwebes ng gabi.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Tirso Quiño, residente ng Barangay San Isidro sa naturang siyudad.


Batay sa paunang imbestigasyon, lulan ng motorsiklo ang apat na suspek at tatlo sa kanila ay dumaan sa likod ng tahanan ni Quiño. Nagsilbing lookout naman sa paligid ang naiwang kasamahan.

Ayon kay Police Lieutenant Ben Venus, deputy chief ng San Isidro Station 4, hindi pa rin makausap ng maayos ang paslit, na kaisa-isang testigo sa malagim na krimen, dulot ng matinding trauma.

Bago raw lisanin ng mga salarin ang lugar, sinabihan nila ang musmos na manahimik na lamang.

Nabatid ng pamilya ng pinaslang na lalaki na suma-sideline ito bilang tricycle driver at manghihilot.



Patuloy na inaalam ng pulisya ang motibo sa pagpatay at pagkakakilanlan ng mga tumakas na suspek.


Facebook Comments