44 ASO, ITINUTURING NA BILANG ANAK NG ISANG DOG LOVER SA CALASIAO

Sa bawat wagwag ng buntot at masiglang tahol, damang-dama ang walang kapantay na pagmamahal ni Idol Julita “Lita” Wassner, 74 taong gulang mula sa Barangay Buenlag, Calasiao.

Sa kabila ng kanyang edad, patuloy siyang nagsasakripisyo ng oras, lakas, at sariling pera upang maalagaan ang 44 niyang alagang aso.

Nagsimula lamang ito sa iilang alaga, ngunit dahil sa kanyang likas na pagkahilig at malasakit, dumami ang mga ito hanggang sa umabot ng higit apatnapu. Para kay Idol Lita, hindi lamang basta hayop ang kanyang mga aso, kundi itinuturing na sariling mga anak.

Ayon sa kanya, mahilig din sa aso ang kanyang yumaong asawa. Kaya’t nang pumanaw ito, dito na niya natagpuan ang aliw at bagong saysay sa buhay, ang patuloy na pag-aaruga sa mga tapat na kasama.

Hindi biro ang sakripisyo ni Idol Lita. Tinatayang umaabot sa mahigit ₱50,000 kada buwan ang kanyang ginagastos para sa pagkain ng mga aso, bukod pa sa bayad sa tagalinis at tagaluto ng pagkain sa kanyang mga alaga, gamot, bitamina, at mga bakunang kailangan upang manatiling malusog ang mga ito.

Ngunit para kay Idol Lita, higit pa sa pera ang kapalit. Ang bawat masiglang paglapit, wagwag ng buntot, at yakap mula sa kanyang mga alaga ang nagsisilbing gantimpala na nagbibigay sa kanya ng lakas at saya araw-araw.

Sa kabila ng mabigat na responsibilidad, nananatiling huwaran si Idol Lita ng wagas na pagmamahal na hindi lamang sa kapwa-tao, kundi maging sa mga hayop na marunong ding magbalik ng tapat na pag-ibig. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments