44 INDIBIDWAL ARESTADO SA ISANG LINGGONG OPERASYON NG PANGASINAN POLICE KONTRA KRIMINALIDAD

Aabot sa 44 indibidwal ang naaresto ng Pangasinan Police Provincial Office sa loob ng isang linggong magkakasunod na operasyon laban sa iba’t ibang uri ng kriminalidad sa lalawigan.

Sa kampanya kontra ilegal na droga sa ilalim ng Republic Act 9165, nagsagawa ng 20 operasyon ang pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto ng 22 katao.

Nakumpiska sa mga operasyon ang humigit-kumulang 70.895 gramo ng shabu at 14.08 gramo ng marijuana.

Samantala, kaugnay ng pagpapatupad ng Republic Act 10591 o Firearms and Ammunition Regulation Act, limang operasyon ang isinagawa na nagbunga ng pagkakaaresto ng tatlong indibidwal.

Dalawang baril ang nakumpiska, habang may ilang baril ding naideposito at boluntaryong isinuko.

Sa hiwalay na manhunt operations, naaresto ang 16 na wanted persons, kabilang ang dalawang itinuturing na most wanted at 14 iba pang may nakabinbing kaso.

Bukod dito, dalawang operasyon kontra ilegal na sugal sa ilalim ng Republic Act 9287 ang isinagawa na nagresulta sa pagkakaaresto ng tatlong indibidwal at pagkakakumpiska ng cash bets na mahigit ₱5,000.

Patuloy ang isinasagawang operasyon ng pulisya upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa mga komunidad sa lalawigan.

Facebook Comments