Patuloy ang pag-apela ng pamahalaan sa mga fully vaccinated individuals na kwalipikado para magpa-booster shot na sa lalong madaling panahon.
Sa press conference sa Malakanyang, sinabi ni Health Usec. Ma. Rosario Vergeire na base sa pagtaya ng ahensya mayroong 44 million mga Pilipino ang due na para sa kanilang booster shot.
Paliwanag ni Vergeire, base sa mga pag-aaral ng mga eksperto, nabawasan talaga ang proteksyon na ibinibigay ng primary doses ng bakuna lalo na noong nakapasok sa bansa ang Omicron variant.
Kaya apela nito sa mga hindi pa nagpapa-booster na magtungo sa alinmang vaccination sites, klinika, terminal at botika para makatanggap ng 3rd dose ng bakuna.
Sa ngayon, nasa 11.7-M pa lamang ang natuturukan ng booster shot.
Una nang sinabi ng National Vaccination Operations Center na maraming mga Pilipino naman ang batid ang kahalagahan ng bakuna pero kulang sa urgency o hindi na nila nakikitang kailangang magpa-booster shot.